Ebanghelyo: Marcos 7:31-37
Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya roon ng isang bingi na halos di makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay.
Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa langit, nagbuntung-hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan”. Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid.
Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kani-numan ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: “Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”
Pagninilay
May kasabihan, na mahirap makarinig ang nagbibingi-bingihan. Pero may isang klaseng pagkabingi – na kahit ang tao’y naririnig at maaring sumagot, hindi niya ito ginagawa. Ang espi ri-tuwal na pagkabingi ay mas masa-hol pa kaysa sa pisikal na uri. Ang isang taong bingi sa espiritu ay may kakayahan para tumugon at makipag-ugnayan, ngunit pipiliing hindi tumugon. Ang ganitong tao ay maaari ring pumili kung ano ang nais niyang marinig. Ang taong espiritwal na bingi ay iyong sinasarahan ang kanyang tainga sa mga tumatawag at humihingi sa kanya ng tulong, o kaya naman ay hindi pinakikinggan ang imbitasyong magpatawad.
Ngayon ay kapistahan din ng pagpapakita ng Mahal na Ina kay Bernadette sa Lourdes. Taon-taon, libong-libong mga peregrino ang bumibisita sa kanya dahil sa mga milagrong nangyayari doon. Sa ka-tunayan, may isang lugar doon kung saan nakagawiang iwanan ang mga saklay ng mga napagaling na pilay. Mga ilang libong saklay na rin ang nandun. Yaong iba naman ay may espirituwal na kahilingan ang hini-hingi. Idulog natin sa ating Mahal na Ina na gamutin ang ating pagkabingi sa mga tawag at paanyaya sa atin ng Panginoon. Tulungan niya sana tayo na ipagdasal na marinig ng malinaw ang kanyang Anak.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022