Ebanghelyo: Marcos 7:14-23
Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: “Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya. Makinig ang may tainga.”
Pagkalayo ni Jesus sa mga tao, nang nasa bahay na siya, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhagang ito. At sinabi niya: “Wala rin ba kayong pang-unawa? Hindi ba ninyo nauunawaan na sa bituka pumupunta ang anumang pumapasok sa tao mula sa labas?
Sapagkat hindi sa puso ito pumapasok kundi sa tiyan at pagkatapos ay itinatapon sa labas.”
(Sa gayo’y sinabi niya na malinis ang tanang mga pagkain.)
At idinagdag niya: “Ang lumalabas sa tao ang nag-papa rumi sa tao. Sa puso nga ng tao nagmumula ang masasamang hangarin – kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa, pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.
Pagninilay
May mga pagkakataon na maaaring nadungisan o nasira natin ang reputasyon ng ating kapwa. Maaaring hindi naisapubliko o eskandalosong pa-raan; marahil ay tahimik lang natin itong naikwento sa iba. Kahit na totoo, wala tayong karapatang ikwento ito, lalo pa’t hindi naman para makatulong, kundi para lang makapag-chismis. Mas lalong wala tayong karapatan kung ito’y walang katotohanan. Di lang ito sa iba naka-sisira, maging sa atin din.
Ano pa ang pwedeng sumira o magpaparumi sa atin? Sabi nga ni Jesus, hindi yaong mga pumapasok sa atin, ngunit yaong lumalabas sa atin. Ang lumalabas ba sa atin ay galit, inggit, o yabang? Mga kapatid, inaanyayahan tayo na tingnan kung ano nga ba ang pinapahayag ng ating mga labi. Ito ba’y nagbibigay puri sa Diyos, o sumisira sa ating kapwa? Sikapin natin na huwag ma kasakit sa kapwa. Alam nating kailan man, hindi na maibabalik ng perpekto ang nasirang reputasyon, dahil mananatiling may lamat na ito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022