Ebanghelyo: Marcos 6:30-34
Pagbalik ng mga apostol kay Jesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman niya sa kanila: “Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo’y marami ang paroo’t parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa kanila. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nag kakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.
Pagninilay
Ang isa sa mga epekto ng mga digmaan at taggutom ay ang pagdagsa ng mga refugee sa mas ligtas na mga lugar. Sila ay parang mga tupa na walang pastol. Inalis sa kanilang sariling bayan; sila ay tulad ng mga pulubi na naghahanap ng kanlungan at pagkain. Ang isa sa mga imahen na ginamit sa mga dokumento ng Second Vatican Council upang ilarawan ang kalikasan ng Simbahan ay ang mga tao bilang kawan ng mga tupa kasama si Jesucristo bilang Mabuting Pastol. Si Jesus ay nagdalang habag sa kanila, na sumusunod sa kanya. Sino ang maaaring maging mga makabagong pastol sa ating panahon? Sa Simbahan naririyan ang Santo Papa, ang mga obispo at mga pari. Sa ibang antas ng lipunan, naririyan ang mga magulang sa tahanan, mga pinuno ng pamahalaan, mga superyor at mga formator ng mga relihiyosong kongregasyon. Sa maliit na paraan maaari rin tayong maging mga pastol sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa mga outof- school youth, mga biktima ng pang-aabuso sa droga, at iba pa na nangangailangan ng tulong sa abot ng ating makakaya at kakayahan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020