Ebanghelyo: Marcos 7:1-13
Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem.
Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya. Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na ng mga Judio ang tradisyon ng kanilang mga ninuno at hindi sila kumakain nang hindi muna nag huhugas ng mga kamay. At hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang di muna ito nililinis, at marami pa’ng dapat nilang tuparin, halimbawa’y ang pag lilinis ng mga inuman, mga kopa at pinggang tanso.
Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Bakit hindi isinasabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila nag huhugas ng kamay bago kumain.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Tama ang propesiya ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat na “Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman sa akin ang kanilang mga puso. Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.” Pinabayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao.”
At sinabi ni Jesus: “Mahusay na pinawalangbisa ninyo ang salita ng Diyos para tuparin ang inyong tradisyon. Sinabi nga ni Moises: ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘patayin ang sinumang sumumpa sa kanyang ama o ina.’ Ngunit ayon sa inyo, masasabi ninuman sa kanyang ama o ina, “Inilaan ko na para sa Templo ang maaasahan ninyo sa akin.” At hindi na ninyo siya pinapayagang tumulong sa kanyang ama o ina. Kaya pinawalangbisa ninyo ang salita ng Diyos sa tulong ng sarili ninyong tradisyon. At marami pa ang mga ginagawa ninyong ganito.”
Pagninilay
May mga tradisyong nakasanayan na ng tao at minsa’y nagbibigay lamang ng kabigatan. Sa katunaya’y wala namang katuturan at walang rasong maibigay bakit kailangang gawin. Tulad halimbawa ng tradisyon sa kasal na hindi dapat mamatay ang sindi ng kandila o kaya’y mahulog ang kahit isa sa labintatlong kusing sa aras sapagkat magdadala ito ng malas. Subalit ang kasal ay nakapaloob na sa Banal na Misa kung saan pinagpapala ng Diyos ang ikinakasal sa sakramento. Dahil dito, marapat na ipagkatiwala sa Diyos ang kanilang buhay at hindi sa mga paniniwalang mula sa nakagawian. Hindi hinihingi ng Panginoon ang pagsunod sa mga pamahiin na karaniwan ay nagpapabigat sa tao. Hinihingi ng Diyos ay pagibig, hindi ang sakripisyo. Pagibig ang marapat na dahilan ng ating mga gawa at hindi lamang dahil sa sakripisyo. Hindi inalay ni Jesus ang kanyang buhay sa sakripisyo kundi sa pagibig.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023