Ebanghelyo: Marcos 6:14-29*
(…) Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. (…) At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo.” At sinumpaan pa niya ang pangakong ito: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” At sumagot naman ito: “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” (…) Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. (…)
Pagninilay
Ang isang tao na ang mga desisyon ay nakasalalay sa mga kagustuhan ng mga tao sa kanyang paligid ay tulad ng isang kawayan, na umiindayog sa alinmang direksiyon ng hangin. Si Haring Herodes, bagaman tinatamasa niya ang pinakamataas na kapangyarihan sa kanyang teritoryo, ay bumigay sa kahilingan ng anak na babae ni Herodias para sa ulo ni Juan Bautista. Ang hari ay may mataas na paggalang kay Juan Bautista, gayon pa man mas pinahahalagahan niya ang kanyang karangalan kaysa maging tapat sa kanyang paniniwala sa integridad ni Juan. Nais niya lamang na malugod sa kanya ang kanyang mga bisita at si Herodias. Kung walang takot sa Diyos, walang paggalang sa buhay ng tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020