Ebanghelyo: Mc 6: 53-56
Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret at doon nila isinadsad ang bangka. Paglunsad nila ng bangka, nakilala si Jesus ng mga tagaroon at patakbo nilang ipinamalita ito sa lupaing iyon. Kaya dinala nila ang mga maysakit na nasa higaan kung saan nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
Pagninilay
Pinaniniwalaan noon na ang damit, panyo, apron at maging ang anino ng manggagamot ay may taglay na kapangyarihang magpagaling. Mababasa ito sa Aklat ng mga Gawa (19:12 at 5:15). Ito ang dahilan kung bakit sa ebanghelyo ngayon ay ninais ng mga maysakit na mahipo man lamang ang laylayan ng damit ni Jesus. Katulad din ito ng salaysay ukol sa babaeng labindalawang taon ang dinudugo. Pangarap niya na mahipo man lamang ang laylayan ng damit ng Panginoon at gagaling na siya. Mas mapalad tayo na dumadalo sa Misa. Hindi lamang laylayan ng damit ni Jesus ang ating nahahawakan kundi ang kanya mismong Katawan sa anyo ng tinapay. Pinaniniwalaan natin na sa bisa ng mga salitang binibigkas ng pari sa konsagrasyon, ang karaniwang tinapay ay nagiging Katawan ni Kristo. Ito ay ipinamamahagi sa oras ng komunyon at nahahawakan ng sinumang dumudulog sa hapag ng Panginooon. Anuman ang sakit na ating nararanasan, lumapit tayo kay Jesus sa Banal na Eukarsitiya. Hawakan natin siyan nang buong paggalang at pananalig. Magagawa niyang hilumin ang anumang karamdaman, pangkatawan man o pangkaluluwa Siya ang pinakamahusay na mangggamot. Siya an gating lunas. Siya ang ating pag-asa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024