Ebanghelyo: Marcos 5:21-43
(…) At may dumating na isang pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Nagpatirapa ito sa Kanyang paanan at pilit na ipinakiusap sa Kanya: “Naghihingalo ang aking dalagita kaya halika para maligtas Siya at mabuhay sa pagpapatong ng iyong mga kamay.” Kaya umalis si Jesus kasama Niya at sumunod din sa Kanya ang mga tao na gumigitgit sa Kanya. May isa namang babae na labindalawang taon nang dinudugo. (…) At nang mabalitaan Niya ang tungkol kay Jesus, nilapitan Niya ito sa likuran sa gitna ng mga tao at hinipo ang damit nito, sapagkat naisip Niya: “Kung mahihipo ko lamang ang Kanyang mga damit, gagaling na ako.” At agad na naampat ang pag-agos ng Kanyang dugo at naramdaman Niyang gumaling na ang Kanyang sakit. Ngunit agad din namang nadama ni Jesus na may lakas na lumabas sa Kanya kaya lumingon Siya sa gitna ng mga tao at nagtanong: “Sino ang humipo sa mga damit ko?” Sumagot ang Kanyang mga alagad: “Nakikita mo nang ginigitgit ka ng napakaraming tao. Bakit mo pa itatanong: (…) Namamalayan nga nito ang nangyari kaya lumapit ito at nagpatirapa sa harap Niya at inamin sa Kanya ang buong katotohanan. At sinabi sa Kanya ni Jesus: “Anak, iniligtas ka ng iyong pananalig. Humayo kang mapayapa at magaling ka na sa iyong sakit.” Nagsasalita pa si Jesus nang may dumating galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, at sinabi nila: “Patay na ang iyong anak na babae. Bakit mo pa iniistorbo ngayon ang Guro?” Ngunit hindi sila inintindi ni Jesus at sinabi sa pinuno: “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.” (…) Pagdating nila sa bahay, nakita Niya ang kaguluhan: may mga nag-iiyakan at labis na nagtataghuyan. Pumasok si Jesus at sinabi: “Bakit nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” At pinagtawanan nila siya. Ngunit pinalabas ni Jesus ang lahat, at ang ama at ina lamang nito ang isinama at ang Kanyang mga kasamahan. Pagpasok Niya sa kinaroroonan ng bata, hinawakan Niya ito sa kamay at sinabi: “Talita kum”, na ibig sabihi’y “Nene, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka.” At noon di’y bumangon ang bata at nagsimulang maglakad. (Labindalawang taon na nga siya.) (…)
Pagninilay
Ang babae sa ebanghelyo ay isang halimbawa ng isang taong nagsasalita ng katotohanan sa kabila ng takot. Ang takot na sawayin ay hindi humadlang sa kanya sa pagsasabi ng katotohanan. Ang kanyang determinasyon na mahawakan si Jesus kahit na ang kanyang damit at ang kanyang pananalig na siya’y gagaling ay ginantimpalaan. Pinagaling siya ni Jesus, hindi lamang sa pisikal kundi espirituwal din. Kapayapaan ang karaniwang salin ng Hebreong shalom. Ang Shalom ay ang pagbati sa Hebreo upang gawaran ang isang tao ng masayang buhay, kagalingan, mabuting kalusugan, at kasaganaan. Ang pagsasabi ng katotohanan ay nagbibigay sa atin ng kapayapaan ng isip at puso.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020