Ebanghelyo: Mc 6: 30-34
Pagbalik ng mga apostol kay Jesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman niya sa kanila: “Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo’y marami ang paroo’t parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa kanila. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.
Pagninilay
Hindi tayo makina. Napapagod din ang ating katawan at kailangan din ang pahinga. Ramdam ni Jesus na napagod ang kanyang mga alagad na kanyang isinugo upang magmisyon. Nakabalik na sila at nag-ulat sa kanya ukol sa kanilang mga ginawa at itinuro. Inanyayahan niya sila upang tumungo sa ilang na lugar upang makapagpahinga nang kaunti. Ang paniniwala ng isang naging pangulo ng Amerika ay ganito. Hindi na siya dapat gumawa na lampas sa oras ng maghapon. Aniya, ang pagod na katawan at isipan ay hahantong sa maling pasya. At sa maling desisyon ay marami ang mapapahamak. Hindi nga katamaran ang magpahinga. Ito ay pagtitipon ng bagong lakas upang muling magsimula. Ang katawan na gumagawa sa loob ng maghapon ay binibigyan ng tulog sa magdamag bilang gantimpala. Magandang pamamahinga ang panalangin. Sa pagdarasal ay napapayapa ang kalooban at nakatatagpo ng bagong lakas mula sa Diyos. Si Jesus, kahit pagod, ay gumigising nang maaga upang sumangguni sa kanyang Ama. Ito ay halimbawa sa atin. Manalangin tayo at makipaugnay sa Diyos na siyang bukal ng ating kalakasan. Lumapit tayo sa kanya. Tayo ay kanyang pagpapahingahin at bibigyan ng kapayapaan.©
Copyright Pang Araw-Araw 2024