Ebanghelyo: Lc 2: 22-40*
Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon – tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. (…) Ngayon, sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon;(…)Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. Kinalong siya ni Simeon sa kanyang mga braso at pinuri ang Diyos, at sinabi: “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.” (…)
Paninilay
Dalawa ang ating ipinagdiriwang sa araw na ito. Kung ang tuon ng pansin ay si Jesus, ito ay Kapistahahan ng Pagdadala sa Templo. Kung ang tuon ay si Maria, ito ay Kapistahan ng Paglilinis na batas ng mga Judio para sa mga babaeng nagsilang ng sanggol. Tunay na masunurin ang Mahal na Birhen. Hindi naman siya nabahiran ng karumihan (dahil sa Inmaculada Concepcion) kahit sa pagluluwal sa sanggol na si Jesus. Walang paglilinis na kinakailangang gawin. Naghandog ang magasawang Jose at Maria ng alay ng mga dukha – mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati. Wala silang maihandog na kordero. Tama si Obispo Fulton Sheen nang kanyang sabihin, “Mary who brought to the world the Lamb of God had no lamb to offer.” Tayo nang mag-alay din. Huwag nating sasabihing wala tayong maihahandog. Hindi kailangan ng Diyos ang yaman. Nalulugod siya sa handog ng taong may malinis na puso. Sabi nga ng isang awitin, “Panginoon, munti man handog ko sa iyo. Sa tingin mo halaga ay higit sa ginto. Pagkat, Diyos ko, tanging mong hinahanap – sa pag-ibig maging tapat ang puso ko.“
© Copyright Pang Araw-Araw 2024