Ebanghelyo: Marcos 4:35-41
Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.” Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at bale-wala sa iyo!” Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tahimik, huwag kumibo.” Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?” Ngunit lalo silang nasindak at nagusap-usap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”
Pagninilay
Sino si Jesus? Ang mga alagad ay kasama ni Jesus nang ilang panahon ngunit pagkatapos nilang masaksihan kung paano sinunod ng malakas na bagyo ang utos ni Jesus na tumahimik, tinatanong nila ngayon ang kanyang pagkakakilanlan. Kinikilala lang nila si Jesus bilang “Guro.” Pagkatapos lamang ng muling pagkabuhay at mga pagpapakita ni Jesus na kinilala nila siya bilang Panginoon. Para sa mga Judio, ang “Panginoon” (Adonai sa Hebreo) ay nangangahulugan bilang isang may lakas at kapangyarihan. Ano ang ibig sabihin kapag sinabi mo na, “Si Jesus ay Panginoon?” Ito ba ay isang pagpapahayag na si Jesus ay panginoon ng iyong buhay o isang pagpapakitangtao lamang? Upang kilalanin si Jesus bilang ating Panginoon, ito ay nangangahulugan ng pagtitiwala at pananalig sa kanyang kapangyarihan, na pumapawi sa takot.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020