HANGGA’T HINDI NATUTUPAD, ang saysay ng mga plano para sa pagbabago ay mananatili lang sa kanilang sustansya, hindi aarangkada patungo sa maganda. Mas maganda pa sana sa mga salitang kung isinagawa ay hindi maiiwan na lang ng panahon sa basurahan ng kasaysayan.
Nag-iwan ang Adbyento sa Kristiyanong mundo ng maraming labi: retreat, recollections, peregrinasyon at iba pang proseso na magpapa-ibayo ng kumpyansa at katiyakan ng mga Katoliko na sila nga ay nakahanda na sa tradisyunal man lang na pagdating ni Kristo, bago ang Kanyang totoong pagbabalik.
Si Fr. Mario Belotti, SMM, ay hindi lang masigasig na misyonerong Montfortano. Tiniyak din niya na may mahalagang gawain siyang maisisingit sa kanyang bakasyon mula sa Italya pagdating niya sa Madriñan, lunsod ng Quezon. Kaya hindi pa man siya dumarating ay naipabatid na ng AMQAH Evangelization Team ang isang Advent Recollection na siya ang magiging tagapagsalita. Isang linggo makalipas iyon, muli niyang tinipon ang mga manlalakbay sa isang pagbabalik-tanaw upang palalimin ang kanilang katatapos-lang na karanasan. Naisulat ko na ang tungkol sa recollection subalit hindi ako nakasama sa mapapalad na dumalo sa kanyang pagsusuma. Salamat at binigyan ako ni Sis Gelly ng kopya ng kanyang personal na pagmumuni. Para sa lalong ikauunawa ng nakararami, isasalin ko rito ang orihinal na Ingles ni Fr. Mario.
Paghihintay kay Kristo
- Mula sa Bibliya
Mga kapatid, ngayon na ang oras para gumising kayo, dahil ang ating kaligtasan ay mas malapit na kaysa noong una tayong naniwala. Ang gabi ay mabilis, ang araw ay darating na. Itapon na natin ang mga gawain ng dilim at isuot ang kalasag ng liwanag. Isuot natin ang Panginoong Hesukristo (Rom 13:11-14).
Palagi tayong magpasalamat sa ating Diyos… para sa grasyang si Hesus na iginawad Niya sa atin. Sa Kanya, tayo ay yumabong sa bawat pagkakataon, sa Kanyang Salita at sa lahat ng karunungan… (Cor 1:4-5). - Gumising!
Ang Adbyento ay isang paanyayang lumago sa isang bagong mentalidad, isang bagong buhay. Pahiwatig nito ang dalawang uri ng paggising: paggising mula sa… at paggising para sa…
Paggising mula sa…
Ito ang oras para gumising ka. Isang paanyayang gumising mula sa katamaran, kawalang-pakialam, kaplastikan, iresponsibilidad.
Ilang taon na mula ngayon, nabasa ko sa isang libro ang isang kakatuwang kwento. Kumatok ang ama sa kwarto ng anak at nagsabing, “Gising na, Santiago!” Sumagot si Santiago, “Dad, ayokong bumangon!” Mapilit ang ama, “Bangon na, anak, mahuhuli ka sa eskwela.” Sagot ni Santiago, “Ayokong pumasok sa eskwela!” “Bakit?” giit ng ama. “Tatlong dahilan,” balik ng anak. “Una, nakakabagot sa eskwela; pangalawa, pinagtatawanan ako ng mga lalaki roon; pangatlo, ayoko sa eskwela!” Muling nagsalita ang ama. “Ako man ay may tatlong dahilan kung bakit dapat kang pumasok: Una, obligasyon mo ito; pangalawa, 45 taon ka na; at pangatlo, ikaw ang prinsipal ng eskwela!”
Hindi na tayo bata, meron tayong mga responsibilidad, pero marami sa atin ay ayaw bumangon, ayaw humarap sa responsibilidad.
Oras na ngayon para gumising! Isang paanyayang itapon ang mga gawain ng dilim… at huwag sundin ang mga imbing naisin! Dapat tayong mag-ingat sa ilusyon na ayos ang lahat at anumang isipin, sabihin o gawin natin ay tama at hindi mapabubulaanan.
Lagi nating baguhin ang malalalim na naisin ng ating puso. Ang pagdadalawang-damdamin ay nagbubunga ng maraming pagkalito; bukod pa sa inihihiwalay tayo nito sa karamihan.
Oras na para gumising! Isang paanyayang kilalanin ang ating pabagu-bagong isip. Sampung taon na mula ngayon, pagkatapos kong magturo ng summer class sa Chicago, may nakasabay ako sa pagkain na isang kura paroko. Napag-usapan namin ang “kalidad ng pananampalataya ng mga Kristiyano”. Nagkasundo kami na kaming mga Kristiyano ay pabagu-bago ang isip. Upang lalong maging madamdamin ang pag-uusap namin, nagkwento siya. Kailangan ni Pope John Paul II ng heart transplant. Mangyari pang nag-aalala siya at sinabi niya ito kay Kristo, na ang wika’y: “Relaks, JP2’ nakapagdesisyon na Ako na isang Kristiyano mula sa Roma ang magbibigay sa iyo ng bagong puso. Pumunta ka sa balkonahe ng basilica ni San Pedro at pag nandoon ka na, sasabihin ko sa iyo ang gagawin mo.” Pumunta ang papa sa balkonahe at nag-ulat sa libu-libong tao tungkol sa kanyang puso, na kailangan niya ang transplant at isa sa mga taong naroroon ay pipiliin upang ibigay ang kanyang puso sa papa. Sigaw ng kawan, “Oo. Oo.” At nagpatuloy ang papa, “Sabi ni Hesus, magtatapon ako ng isang pakpak mula rito sa balkonahe. Ang taong lalagpakan sa ulo ng pakpak ang siyang napiling magbibigay sa akin ng bagong puso.” Itinapon ng papa ang pakpak. Nagsiluhod ang mga tao at nanalangin, “Panginoon, sa akin nawa lumagpak. Phew, phew, phew!”
Ang paggising ay nangangahulugan din ng pagkilala sa napakaraming pangakong binitawan natin ngunit hindi tinupad.
Partikular na nangangamba si Montfort tungkol sa hindi natin pagtupad sa mga pangako natin sa binyag. Kaya iminumungkahi niya ang “totoong debosyon” na siyang garantiya ng determinasyon (True Devotion to Mary, 173-182).
Paggising para sa…
Oras na para gumising… para sa kalasag ng liwanag! Isang paanyaya upang buksan ang “mga mata ng pagsasaloob”.
Sa puntong ito, lumilikha ang Adbyento ng isang okasyon upang matagpuan natin ang persona ni Maria, isang di-pangkaraniwang simbolo ng pagsasaloob. Sa kwento ng Annunciation, isinulat ni Lukas, “Pumasok sa kanya ang anghel… Pumasok ang Panginoon sa saloobin ni Maria dahil doon siya nakatira. Ang pagsasaloob ang kanyang mundo. Katunayan, siya ay ipinakilala bilang isang babaeng sa tuwina’y pinagmumuni ang lahat sa kanyang puso.
Ano ang nararanasan ng isang taong namumuhay sa esensya ng karanasan ng pagsasaloob? Anu-anong bentahe ang natatanggap niya? Balikan natin ang sinabi ng anghel:
- Puno ka ng grasya! – isang pakiramdam ng kaganapan/katuparan
- Ang Panginoon ay sumasaiyo! – isang malalim na pakiramdam ng presensya ng Diyos
- Sasaiyo ang Espiritu Santo – isang pakiramdam ng kaliwanagan
- Walang imposible sa Panginoon! – isang pakiramdam ng pagpapatibay at lakas.
Kapag tayo ay namamahay sa esensiya ng pagsasaloob, nagiging gising ang ating kalooban. Kapag gising tayo sa kalooban, makapaglilingkod tayo nang lubos sa sangkatauhan.
Matapos ang mahabang panahon sa disyeerto, bumalik sa kanyang mga kasama ang isang monghe. Maningning ang kanyang mukha. Hinahanap siya ng lahat, gusto siyang makasama, ligtas sila sa piling niya. Isa ang nagwika, “Anghel ka siguro!” “Hindi ako anghel,” sagot niya. “Kung hindi’y hari ka!” “Hindi ako hari.” A, marahil ay propeta ka!” “Hindi rin ako propeta.” “Kung ganon, sino ka?” giit ng mga tao. Sumagot ang monghe, “Isa lamang akong taong gising!”
Ang maging gising sa “saloobin” ay napakahalaga… mas mahalaga kaysa maging anghel, hari o propeta.
Oras na para gumising… para sa kalasag ng liwanag! Isang paanyayang buksan natin ang mga sarili sa totoong mahalaga sa buhay.
Sa ganitong punto, ipinakikilala ng Adbyento sa atin ang personalidad ni Juan Bautista. Sa disyerto siya nakatira at makikilala siya bilang taga-disyerto.
Ang disyerto ay isang tahimik at hubad na lugar. Maririnig mo rito ang pinakamahinang ingay aat mabilis mong makikita ang anumang bagay na gumagalaw, gaya ng asong gubat, alakdan, ahas, atbp.
Si Juan ay isang “hubad” na karakter. Ang buhay niya ay tulad ng mala-kristal na tubig na kakikitaan mo kung ano ang nasa ilalim o pusod ng kanyang kaluluwa. Alam niya kung ano ang gumagapang sa puso ng tao. Kung kaya, nang kinausap niya ang mga Pariseo, kita niya kung ano ang kumukulo sa kanilang kaluluwa at tinuran niya ang isang nagliliyab na katotohanan, “Kayong kawan ng mga ulupong!” Kung kaya ang tinig niya ay napakalakas at ang kanyang paanyaya hindi matanggihan: “Gawing tuwid ang daan ng Diyos!”
Pabagu-bago ang disyerto, alam nating lahat ito. Araw-araw, nagbabagong-anyo ang mga buhangin ayon sa hangin. Ang mga naglalakbay sa disyerto ay binibigyan ng direksyon ng langit: ng araw kung umaga at ng mga bituin kung gabi.
Si Juan ay isa ring taong “laging kumikilos”. Ang kanyang patuloy na pagtuklas ng katotohanan ang siyang laging nagtutulak sa kanyang “kumilos” nang pisikal at ispritiwal.
Sa disyerto nagaganap ang “mga enkwentrong mahalaga at nagbibigay-buhay”. Gunitan si Moises, ang Israel, si Elijah, si Hesus, si Pablo, atbp.
Oras na para gumising… para sa kalasag ng liwanag! Isang marubdob na paanyayang tanggapin at isaloob ang handog ni Hesus sa ating buhay.
Isuot natin ang Panginoong Hesukristo, himok ni San Pablo. Ibig sabihin, buksan natin ang sarili sa handog ng isang espesyal na kaibigan. Lahat tayo’y lubhang umaasam na may makinig sa ating puso! Madalas nating itanong sa sarili: “Sa mundong ito na ang lahat ay nagmamadali, laging abala, meron kayang isang taong payag huminto sa harap ko, maupo nang ilang minuto, making sa aking kwento? “Oo,” sabi ng Ebanghelyo ng Adbyento. Tunay ngang ang Anak ng Diyos ay kasama mo! Kaligayahan Niya ang makasama tayo, sa paglalakbay. Sapat na na “naisin” natin ang “espesyal na kasamang ito,” at handa ang Diyos na buksan nang malawak ang langit (Isaiah), upang pumunta sa atin, at ibigay maging ang buhay Niya para sa atin.
Oras na para gumising… para sa kalasag ng liwanag! Isang paanyayang maging bukas sa esensiya ng kasipagan!
Buksan natin ang mga sarili sa kasipagan ni Juan, na kinapapalooban ng:
- Pagbibigay sa layon ng Espiritu Santo, paglalagay sa huli ng ating mga proyekto
- Patuloy na pagtuklas sa katotohanan, tungkol sa atin (Ako ay… Ako ay hindi) at sa iba (Gawing tuwid ang daan ng Diyos!)
- Buksan natin ang sarili sa kasipagan ni Maria (Marialis Cultus, 37).
- Napaka-aktibo ng kanyang papel sa misteryo ng Incarnation. Tulad niya, dapat tayong aktibong makilahok sa mga mahalagang desisyong makapagbabago ng buhay sa ating komunidad, eskwelahan, at lipunan, sa panghalahatan.
- Determinado si Maria na ipagpatuloy ang kanyang konsegradong buhay para sa kapakanan ng bagong sangkatauhan: Ako ay birhen! Tulad niya, dapat nating makita na ang ating pagtatalaga sa buhay-relihyoso ay isang sagisag ng pamayanang nagtataguyod ng kalidad ng buhay at humahamon sa di-kanais-nais na mga kalakaran at pauso ng lipunan.
- Inako ni Maria ang parte ng mahihirap at matapang niyang binatikos ang mga situwasyong walang hustisya (Magnificat). Tulad niya, hindi natin dapat limitahan ang pagkakawanggawa kundi, buksan din natin ang ating mga bibig para sa kapakanan ng mga biktima ng pang-aapi na walang tinig.
- Tumayo si Maria sa paanan ng krus. Tulad niya, dapat nating isabuhay ang ating mga pagdurusa nang may tapang at “dunong” upang maunawaan natin ang kahulugan ng lahat.
- Inalagaan ni Maria hindi lang si Hesus at ang tahanan sa Nazareth kundi pati ang mga apostol at lahat ng naniniwala: Anak, ang iyong ina! Tulad niya, dapat tayong mag-ambag ng paglago ng pamayanan sa kabila ng mga limitadong hangganan ng ating mga tahanan.
Buksan natin ang mga sarili sa kasipagan ni Hesus, na kinapapalooban ng:
- Pagsama bilang “kalakbay” sa mga taong ipinakikilala Niya sa atin.
- Paniniwala na ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ay gumagawa sa atin at sa pamamagitan natin. Isang gabi, may isang mayamang lalaki ang naglalakad pauwi galing sa isang kasayahan. Nakita niya sa daan ang isang batang babaeng gusgusin na nakaupo sa bangketa. Payat ang bata, mukhang maysakit at halatang gutom. Huminto ang lalaki sa harap niya, tumingala sa langit at sumigaw: “Diyos, wala Ka bang magagawa? Hindi Ka ba makapagpapadala ng tutulong sa batang ito?” Isang tinig ang nagmula sa langit at nagsabing: “Nagawa Ko na; Ikaw ang ipinapadala Ko!”
Para sa personal na pagmumuni:
- Ano ang hinihintay ko sa buhay ngayon?
- Mula saan ako kailangang gumising?
- Para saan ako kailangang gumising?
- Saang mga paraan ako tinatawag upang gawing kongkreto ang esensya ng Adbyento (upang maging “masipag” gaya ni Juan, Maria at Hesus) sa kapaligirang tinitirhan at pinagtatrabahuhan ko?
Amen.