Ebanghelyo: Lc 13: 31-35
Nang sandaling iyo’y dumating ang ilang Pariseo at binalaan siya: “Umalis ka rito at pumunta sa ibang lugar. Gusto kang ipapatay ni Herodes.” Sinabi naman ni Jesus: “Puntahan ninyo ang musang na’yon at sabihin sa kanya: ‘Ngayon at bukas ay nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling at nasa ikatlong araw ang katapusan ko.’ Subalit dapat akong maglakad ngayon, bukas at sa susunod na araw sapagkat hindi bagay na mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta. Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga sinugo sa iyo. Gaano kadalas kong ginustong tipunin ang iyong mga anak gaya ng pagyupyop ng inahin sa kanyang mga sisiw pero tumanggi ka nga. Ngayon, iiwanan ang inyong Bahay. Sinasabi ko nga sa inyo na hindi na ninyo ako makikita hanggang di sumasapit ang panahon na sabihin ninyo: Mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo, binalaan ng mga Pariseo na binabalak siyang ipapatay ni Herodes. Hindi natinag si Jesus. Nababatid Niya na ang kanyang kamatayan ay walang kinalaman sa banta sa Kanya, sa halip, ito’y bahagi ng Kanyang misyon. Ang kamatayan ni Jesus ay maituturing natin na katuparan ng Kanyang misyon. Gayun din naman, ipinakita kung gaano kalaki ang pag-ibig ni Jesus para sa bayan ng Jerusalen. Inilarawan Niya ito sa pamamagitan ng paghambing kung paano ang isang inahin ay inaaruga at kinakalinga ang kanyang mga sisiw. Patuloy pa rin silang tumatanggi at tumatalikod sa pag-ibig na inaalok sa kanila ng Diyos. Kaya sa unang pagbasa, tayo’y inaanyayahan na kumuha ng lakas sa Panginoon upang mapagtagumpayan natin ang anumang pagsubok na dumadating sa ating buhay. Walang pagsubok o tukso na hindi natin mapagtatagumpayan kung tayo’y sumasampalataya kay Jesus, ang ating Tagapagligtas.
© Copyright Pang Araw-araw 2024