Ebanghelyo: Lucas 14:1, 7-11
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya.
May talinhaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘Ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto.
Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pag dating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Ang salitang “sinilopinia,” ay hindi pa nalathala sa ating diksyunaryo. Ang ibig sabihin nito ay hindi mo mapigilan ang iyong sarili mula sa pagsisilid ng pagkain sa plastic at iuwi ito sa inyong bahay. Itinuturo ni Jesus ang wastong pag-uugali kapag inanyayahan ka sa isang kapistahan o handaan. Una, huwag gawing espesyal ang iyong sarili sa pamamagitan ng pag-upo sa upuan ng mga kagalang-galng na panauhin. Pangalawa, maghintay para sa isang nag-anyaya sa iyo na umupo kung saan mo kailangang umupo. Sila ang nakakaalam kung saan ka dapat umupo. Ang mahalagang bagay ay tumugon ka sa paanyaya. Bilang mga Kristiyano, hindi tayo maaaring magdikta sa Panginoon kung saan dapat tayo maupo. Kung ito ba ay malapit sa kanyang trono o sa kanyang kaharian dahil lamang naglilingkod tayo sa Simbahan. Ang Panginoon ang masusunod kung saan tayo nararapat lumugar. Ang mahalaga ay maging masunurin tayo sa kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021