Ebanghelyo: Lucas 14:1-6
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. Nasa harap niya roon ang isang taong minamanas kaya nagtanong si Jesus sa mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Puwede bang magpagaling sa Araw ng Pahinga o hindi?” Hindi sila umimik kaya hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi.
Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila: “Kung mahulog sa balon ang anak o ang baka ng isa sa inyo, di ba’t agad niya itong iniaahon kahit na Araw ng Pahinga?” At hindi nila siya nasagot.
Pagninilay
“Ang katahimikan ay nagpapahiwatig ng pahintulot” sabi ng kawikaan. Ang mga Pariseo at mga guro ng batas ay tahimik tungkol sa mga tanong ni Jesus tungkol sa kung ano ang pinapayagan at ipinagbawal sa araw ng Sabbath. Ngunit hindi iyon nangangahulugang sumasangayon sila sa ginawa ni Jesus sa araw ng Sabbath. Para sa kanila, ang pagpapagaling ng mga maysakit sa araw ng Sabbath ay labag sa batas. Balewala ang paliwanag ni Jesus sa kanila, kahit pa ipinahayag ni Jesus na Siya ang Panginoon sa araw ng Sabbath, nagmatigas pa rin ang kanilang mga puso. Hindi sapat para sa kanila ang mga salita at gawa ni Jesus upang himukin ang kanilang matitigas na puso. Tayong lahat na nakikinig sa tinig ng Panginoon, nawa’y mapalambot din ang ating mga puso at mabago ang ating mga kalooban sa tuwing makikita natin ang kabutihan ng Panginoon sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021