Ebanghelyo: Lucas 13:31-35
Nang sandaling iyo’y dumating ang ilang Pariseo at binalaan siya: “Umalis ka rito at pumunta sa ibang lugar. Gusto kang ipapatay ni Herodes.” Sinabi naman ni Jesus: “Puntahan ninyo ang musang na ’yon at sabihin sa kanya: ‘Ngayon at bukas ay nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling at nasa ikatlong araw ang katapusan ko.’ Subalit dapat akong maglakad ngayon, bukas at sa susunod na araw sapagkat hindi bagay na mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta. Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga sinugo sa iyo. Gaano kadalas kong ginustong tipunin ang iyong mga anak gaya ng pagyupyop ng inahin sa kanyang mga sisiw pero tumanggi ka nga. Ngayon, iiwanan ang inyong Bahay. Sinasabi ko nga sa inyo na hindi na ninyo ako makikita hanggang di sumasapit ang panahon na sabihin ninyo: Mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.”
Pagninilay
Maraming kalaban ang krus. Sa kabila ng katotohanang ito, nasa panig natin ang Diyos na handang kumupkop sa atin bilang kanyang mga anak, gaya ng paglilim ng isang inahin sa kanyang mga sisiw. Ang pinakamahalagang pagpapatunay nito’y ang pag-aalay niya sa kanyang bugtong na Anak na si Jesús. Ginawa ng Diyos ang mahirap na bahagi upang ipahayag ang kanyang dakilang pag-ibig at ganun din naman si Jesús, inalay niya ang ng kanyang buhay hanggang sa kamatayan sa krus. Di pa ba sapat ito upang tayo’y magising sa katotohanang mahal tayo ng Diyos at walang sinuman ang makapaghihiwalay sa atin sa Kanya?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020