Ebanghelyo: Lucas 6:12-16
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
Pagninilay
Ngayong araw ay ipinagdiriwang natin ang kapistahan nina apostol San Simon at San Judas Tadeos. Sa basketball hindi sila mga “star players”. Sa kabila nito, ang bawat apostol ay mahalaga dahil si Jesus mismo ang pumili at tumawag sa kanila. Masasabi natin na ang pagpili ng 12 ay bunga ng panalangin ni Jesus. Ngunit bakit kasama si Judas Escariote na nagtaksil sa kanya? Ating isaalang-alang na una hindi nabigo si Jesus na pumili sa kanila. Maaring sa una siya ay tapat at mabait. Ngunit maari din nating isipin na siya ay nabigo bilang alagad dahil hindi niya talaga sinubukan na makilala si Jesus ng lubusan at maunawaan ang kanyang misyon. Tulad natin, lahat tayo ay banal sapagkat tayo ay nabinyagan ngunit marami ang hindi nagtitiyagang sumunod sa mga atas ni Jesus. Tandaan na ang pagsasabuhay ng pagiging Kristiyano ay panghabang buhay. Idalangin natin sa Panginoon na gabayan niya tayo sa araw araw nating buhay bilang kanyang mga alagad.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021