Ebanghelyo: Lucas 6:12-16
Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa bundok para manalangin at magpalipas ng magdamag sa pagdarasal sa Diyos. Nang nag-umaga na, tinawag niya ang kanyang mga alagad at pumili siya ng labindalawa sa kanila na tinawag niyang apostol: si Simon na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito; si Jaime, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Jaimeng anak ni Alfeo, si Simon na tinataguriang Zelota, si Judas na kamag-anak ni Jaime, at si Judas Iskariote na naging tagapagkanulo.
Pagninilay
Ang panalangin ay pakikipagugnayan sa Diyos, na siyang simula at wakas ng lahat ng bagay. Kaya ganun na lamang ang dahilan kung bakit mahalaga kay Jesús ang manalangin – ito’y panahon nang pakikipag-ugnayan sa Diyos Ama. Sa panalangin nagiging panatag ang puso niya at ito’y nagiging isa sa kalooban ng kanyang Ama. Mahalaga ito lalong lalo na sa mga pagpapasya na kailangan niyang gawin, tulad sa pagpili ng kanyang labing-dalawang mga apostol. Nawa’y tularan din natin si Jesús sa kanyang buhay panalangin at ang kanyang paghahangad na gawin ang kalooban ng Diyos hanggang sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020