Ebanghelyo: Lucas 13:22-30
Dumaan si Jesus sa mga lunsod at mga nayon, na nagangaral habang papunta siya sa Jerusalem. May nagtanong sa kanya: “Panginoon, kakaunti nga ba ang maliligtas?” At sinabi ni Jesus sa mga tao: “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo: marami ang gustong pumasok at di makapapasok. Kapag tumindig na ang may-ari ng bahay at naisara na ang pinto, tatayo kayo sa labas na kumakatok at magsasabing ‘Panginoon, buksan mo kami.’ Sasagot naman siya sa inyo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo.’
Kaya sasabihin ninyo: ‘Kami ang kumain at uminom na kasalo mo, at sa aming mga lansangan ka nangaral.’ Pero sasagutin niya kayo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo. Lumayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama.’ Naroon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin pagkakita ninyo kina Abraham, Isaac, Jacob at sa lahat ng propeta sa kaharian ng Diyos, at ipagtatabuyan naman kayo sa labas.
At makikisalo naman sa Kaharian ng Diyos ang mga darating mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga. Oo, may mga huli ngayon na mauuna at may mga una na mahuhuli.”
Pagninilay
Marami tayong pamantayan ng pagiging tagasunod ni Kristo. Bilang mga Katoliko ang unang patunay ay ang Baptismal Certificate, kasulatan na tayo ay binyagan. Ang binyag ay ang unang sakramento at kung wala nito hindi pwedeng tumanggap ng mga susunod pang mga sakramento. Kaya bago kumpilan o ikasal hinihingi muna ang baptismal certificate. Sa binyag pinatatawad ang kasalanang mana, nagiging kasapi ng Simbahang Katoliko, nagiging anak ng Diyos at tagapagmana ng kaharian ng langit. Ang mga karapatang ito ay dapat na isabuhay. Hindi tatanggapin ni Jesus ang baptismal certificate bilang ticket papasok sa kaharian ang langit. Sasabihin niya, “Hindi kita nakikilala.”
Paano tayo makikilala ni Jesus? Tularan ang halimbawa ni Jesus, ang Diyos na naging tao. Inialay Niya ang buhay para sa ating kaligtasan. Ang tagasunod ni Jesus ay nagtatakwil ng sarili tulad Niya at nagpapasan ng sariling krus araw-araw: naghahanap buhay nang matuwid at marangal, umuunawa at nagpapatawad sa kahinaan ng iba, tumutulong sa mga kapus-palad, nagbibigay ng mabuting halimbawa sa kapwa, hindi nagpapadala sa tukso at nagtitiyaga na magmahal sa mga mahirap mahalin. Yan ang halimbawa ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022