Ebanghelyo: Lucas 13:18-21
Sinabi pa ni Jesus: “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Sa ano ito maikukumpara? Tulad ito sa buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at itinanim sa kanyang hardin: lumaki, naging parang puno at sumisilong sa kanyang mga sanga ang mga ibon ng langit.”
At sinabi niya uli: “Sa ano ko ikukumpara ang kaharian ng Diyos? Katulad ito ng lebadura na kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.”
Pagninilay
Ang paghahari ng Diyos ay inihalintulad ni Jesus sa nagaganap sa mustasa at harina na may lebadura. Parehong ang simula ay maliit pero lumalago o lumalaki. May isang seminarista na dahil namatay ang kanyang ama, na siya lamang naghahanap-buhay sa kanila ay nagdadalawang-isip kung magpapatuloy sa pagpapari o lalabas na upang siya na ang maghanap-buhay para sa kanyang pamilya. Siya ang panganay at nakatapos na siya ng college. Kinausap siya ng kanyang kura-paroko at ito ang sinabi ng butihing pari: “Ang pamilya na nagbibigay ng anak sa pagpapari ay hindi pababayaan ng Diyos. Ang Diyos ay laging magkakaloob!” Pinaniwalaan ito ng seminarista at pinangatawanan. Nagpatuloy siya sa seminaryo at naging pari. Ngayon kung tatanungin kung ano ang nagbunsod sa kanya na magpatuloy sa pagpapari at manatiling mabuting pari, ang sagot niya ay ang mga pananalita ng kanyang kura-paroko: “Hindi magpapabaya ang Diyos!” Iilan lamang kataga, tulad ng butil ng mustasa o kaunting lebadura pero sapat na upang maging inspirasyon sa pagpapari. Malamang na meron ka ring karanasan: munting bagay na naging daan upang maranasan ang dakilang kapangyarihan ng Diyos!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022