Ebanghelyo: Mateo 22:34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa pa na tulad nito: Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
Pagninilay
Sa ebanghelyong ito, sinagot ni Jesus ang katanungan ng mga Pariseo at binigyang diin ang dalawang batas lamang: ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Ito ang siyang pinakamahalagang batas na kinakailangan nating sundin. Ikaw at ako’y nilikha dahil sa pagmamahal. Naunawaan ba natin na ang kaganapan natin ay nagkakatotoo lamang sa pag-ibig ng Diyos – ang mahalin Siya ng buong puso, ng buong isip, at ng buong kaluluwa? Ang pag-ibig na ito’y hindi maaaring hiwalay sa pag-ibig ng ating kapwa, lalo na yaong mga taong mahihirap at mga napabayaan ng ating lipunan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020