Ebanghelyo: Lucas 18:9-14
Sinabi rin ni Jesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nagaayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’
Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’
Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Ang talinhaga ay kwento ng dalawang tao: ang isa ay matapat at ang isa ay sinungaling. Pero pareho silang makasalanan. Nanaig ang diyablo doon sa Pariseo. Nakita niya ang kasalanan ng publikano pero hindi ang kanya. Dahil dito hindi niya nakita ang pangangailangan na magbago. Kaya umuwi siya na wala sa grasya ng Diyos. Tuwang-tuwa ang demonyo. Mananatili siyang kampon ng demonyo na hindi alam ng Pariseo. Nadaya na naman siya. Ganyan dumiskarte ang demonyo. Uuwi ang Pariseo na walang excitement. Walang inaasahan sa hinaharap. Hindi naman kasi kailangan na magbago dahil wala namang kasalanan. Hindi rin siya masaya dahil wala sa kanya ang Diyos.
Ang publikano ay makasalanan din. Ito ay kanyang inamin sa harap ng Diyos, hiyang-hiya kaya hindi man lamang makatingala sa langit. Sa kanyang puso ay naroon ang pagsisisi at pagnanais na magbagong- buhay. Kaya siya ay umalis na nasa grasya ng Diyos! Siya ay mapayapa dahil nagtitiwala siya sa kagandahang-loob ng Diyos. Mabait ang Diyos. Dahil dito, siya ay muling magsisimula sa pagpapakabuti. Pero nananatili ang kanyang kababaangloob dahil tulad ng isang galing sa sakit na maaaring mabinat, pwede siyang magkasala muli.
Tularan natin ang publikano. Magpakatotoo tayo: “O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2022