Ebanghelyo: Lucas 12:54-59
Sinabi rin ni Jesus sa mga tao: “Kapag nakita ninyong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad ninyong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi ninyong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan ninyo ng kahulugan ang anyo ng lupa at langit pero bakit hindi ninyo sinusuri kung ano ang panahong ito? At bakit hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo ngayon, makikita natin kung paano pinahahalagahan ni Jesús ang pagbasa sa mga palatandaan ng panahon upang más mainam tayong tumugon sa mga nagaganap sa ating kapaligiran. Tulad ng ensiklikal na Laudato Si ni Papa Francisco na inilunsad taong 2015, na walang pag-aalinlangan ay siyang pinakamahalagang interbensyon na kampanya sa pag-aalaga ng ating Inang Kalikasan sa panahon natin ngayon. Gayunpaman, binigyan diin ni Jesús áng hamon para sa atin na magkaroon ng kakayahang magpasya kung ano nga ba ang tamang gawin. Hindi lamang sa kalikasan tayo nakakasakit at nagkukulang, huwag nating kalimutan ang kapwa na ating nasaktan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020