Ebanghelyo: Mateo 22:15-21
Umurong ang mga Pariseo at nagpulong kung paano nila huhulihin si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya ipinadala nila ang kanilang mga alagad kasama ng mga kampi kay Herodes. Sinabi nila kay Jesus: “Guro, nalalaman namin na tapat kang tao at tunay na nagtuturo ng daan ng Diyos; hindi ka napadadala sa iba at nagsasa lita hindi ayon sa kalagayan ng tao. Kaya ano ang palagay mo: ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar? Dapat ba tayong magbayad sa kanya o hindi?” Alam naman ni Jesus ang ma sama nilang pakay, at sinabi niya sa kanila: “Mga mapag kunwari! Bakit ninyo ako sinusubukan? Ipakita ninyo sa akin ang perang pambuwis.” Ipinakita nila ang isang denaryo, at sinabi sa kanila ni Jesus: “Sino ang naka larawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” Sumagot sila: “Ang Cesar.” At sinabi niya sa kanila: “Kung gayon, ibigay sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
Pagninilay
Kung ang isang tao’y matuwid at mayroon tunay na paninindigan, hindi siya manlulumo sa mga batikos ninuman. Ganito ang ipinapakita ni Jesus sa atin. Nang siya’y tinanong kung nararapat ba ang pagbabayad ng buwis kay Caesar, nabatid Niya ang pakay ng kanilang katanungan. Kaya sinagot Niya sila sa pamamagitan ng isang katanungan upang mabagabag din sila para sa kanilang sarili. Ito’y nagpapakita ng kalooban ni Jesus na magkaroon ang tao nang kakayahan pumili ayon sa kaimbuturan nang kanyang puso. Sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Tesalonica, binanggit niya ang kanilang pagkilos sa pananampalataya at pag-ibig, ang kanilang mga katatagan sa paghihintay kay Jesus at pagkilala sa iba bilang mga kapatid na minamahal ng Panginoon. Sa ganitong pagkilala sa iba bilang ating mga kapatid, napagtanto natin na dapat talaga tayong maging patas sa ating pakikitungo sa iba. Sa mata ng Panginoon, walang pinipili ang kanyang pag-ibig. Ang pagtupad natin sa ating mga pambansang responsibilidad tulad ng pagbabayad ng buwis at paggamit nito sa gobyerno para sa ikabubuti ng lahat ay pagpapakita ng ating pagiging patas at pagmamalasakit sa kapwa. Si Propeta Isaias sa unang pagbasa’y nagpapaalala na kalooban ng Diyos na maging matuwid ang sangkatauhan. Ang Diyos lamang ang ating Panginoon at wala nang iba pa. Kaya manatili tayong mga anak sa pananampalataya, pag-ibig, at pag-asa. Ito’y magaganap lamang kung maghahari mismo ang kapayapaan at katiwasayan sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023