Ebanghelyo: Lc 12: 35-38
Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon. Pauwi siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pag dating niya at pag katok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga iyon!
Pagninilay
Tng oras ng Panginoon ay nasa tamang panahon o perfect timing. Dumarating ang Panginoon sa panahon na higit natin siyang kailangan. Sa lalim ng dilim ng gabi ng ating buhay maaari natin Siyang asahan. Ngunit kailangan nating maging laging handa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maayos na buhay o isang wellgroomed life. Kapag hindi tayo handa, maaaring hindi natin Siya makilala at mapagbuksan ng pinto. Siya ay tapat sa kanyang pangako na tayo ay Kanyang sasamahan at hindi malalayo sa piling natin. Kung minsan naman, mas pinipili nating manatili sa kadiliman ng ating buhay kaya hindi rin natin siya matagpuan. Lumapit at makinig tayo kay Jesus sapagkat Siya ang Liwanag ng Buhay.
© Copyright Pang Araw-araw 2024