Ebanghelyo: Mc 10: 35-45
Lumapit noon kay Jesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo.“ At sinabi ni Jesus: “Ano ang gusto ninyong gawin ko?“ Sumagot sila: “Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo.“ Sinabi ni Jesus: “Talagang hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Maiinom ba ninyo ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibininyag sa akin?“ Sumagot sila: “Kaya namin.“ Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin. Ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa iba.“ Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. Kaya
tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Nalalaman ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Huwag namang ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.“
Pagninilay
Ang ebanghelyo ay nagpapaalala sa atin na lahat tayo ay may pagnanais na kilalanin at gantimpalaan. Gayun pa man, tayo ay pinaaalalahanan na ang paghahangad sa mataas na posisyon ay may kasamang kapangyarihan. Ito ay ang kapangyarihan na maging mabuti at karapat-dapat para sa pagsisilbi. Narinig na nating sinabi ni Jesus na ang kaharian Niya ay kaharian ng paglilingkod. Ang sino mang nagnanais mauna ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat (Marcos 9:35). Ang tungkulin ng nakaupo sa kanan at kaliwa ni Jesus sa kanyang kaluwalhatian ay ang maunang maglingkod. Ang paglilingkod ay isang pagtawag o imbitasyon na nagmumula sa Diyos Ama at ito’y may kaagapay na responsibilidad. Mula sa kanya ang utos na ito. Ang lahat ng posisyon ay isang paglilingkod sa kapwa. Gayun din naman, ang pagkaunawa na si Jesus ay ating lingkod ay nagpapaalala sa atin na maglingkod rin sa ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-araw 2024