Ebanghelyo: Lucas 12:49-53
“Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito!
Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang di ito nagaganap! Sa akala ba ninyo’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa hiwalay! Sapagkat mula ngayo’y magkakahatihati ang limang nasa isang sambahayan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila: ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”
Pagninilay
Ang bawat isa ay masunurin. Namimili sa dalawa kung sino ang susundin: ang Diyos o ang demonyo. Walang gitna. Kung may nagsasabi na wala siyang sinusunod kundi ang sarili, nadaya na siya ng demonyo. Sapagkat alam ng demonyo na hindi natin matatanggihan ang sarili kaya sinisilo tayo na maging makasarili. Ang pagiging makasarili ay labag sa utos ng Diyos. O hayan, nakasilo na ang demonyo. Kaya sinabi ni Jesus na ang sinumang nagnanais na maging Kanyang alagad ay dapat itakwil ang sarili.
Sa isang pamilya may sumusunod sa demonyo sa pagkakasala, at may sumusunod naman sa Diyos sa gawa ng pagmamahal. Ang halimbawa ng pagmamahal ay ang pagaalay ni Jesus ng sarili para sa ating kaligtasan. Yan ang binyag na tinutukoy ni Jesus. At nais Niya na ganito rin ang gagawin natin. Itatakwil ang sarili upang makapaglingkod sa kapwa. Ayaw din ni Jesus na mahati ang pamilya. Mabubuo ito kung ang lahat ay nagmamahal. Tutulungan tayo ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022