Ebanghelyo: Lucas 12:35-38
Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon. Pauwi siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pagdating niya at pagkatok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga iyon!
Pagninilay
Muli tayong inaanyayahan ng Panginoon sa ebanghelyo na maging laging handa sa kanyang pagdating. Nararapat lamang na palaging nakasindi ang lámpara ng ating pananampalataya kahit pa ito’y subukang patayin ng hangin ng kadiliman. Naalala ko pa hanggang ngayon si Norma Romero at ang grupo niyang mga kakabaihan sa Verá Cruz, Mexico. Mula pa noong 1995 hanggang ngayon, araw araw silang nag-aabot ng pagkain at tulong sa mga migranteng patungong norte na nakasakay sa ibabaw ng tren. Di man nila kilala ang mga taong inaabutan nila ng pagkain, alam nila na nakakatulong sila at ito ang mahalaga.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020