Ebanghelyo: Lucas 12:39-48
Isipin ninyo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.”
Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwain ng panginoon sa kanyang mga tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras.
Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain siya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang panginoon ko’ at simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na di niya inaasahan at sa oras na di niya nalalaman. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-tapat.
Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban niya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban niya ngunit gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.
Pagninilay
ba’t iba ang pagtingin sa pagiging katiwala. May masaya na maging katiwala kahit mahirap ang kaakibat na gawain; mayroon din naman na napipilitan dahil mabigat. May masaya hindi dahil mahalaga ang gawain kundi dahil sa sahod na tinatanggap. At iba pa.
Masaya ang katiwala na ang tingin sa kanyang gawain ay pakikibahagi sa gawain ng kanyang amo. Hindi kaya ng amo na gawin lahat ng pananagutan kaya ibinabahagi ito sa katiwala. Kaya unti-unti ring tumataas ang dangal ng katiwala. Ang kaligayahan ng amo ay nagiging kaligayahan din ng katiwala. Kung ganito ang katiwala, walang dapat ipangamba ang amo at tiyak na pagbalik niya ay makikitang maganda ang kalagayan ng lahat dahil palagiang tapat at masipag ang katiwala.
Lahat tayo ay nilikhang kawangis ng Diyos at binigyan ng pananagutan na pamahalaan ang mundo. Ang pamamahala ay pakikibahagi sa paglikha ng Diyos. Tayo ay nagiging ka-manlilikha habang pinalalago ang kalikasan at pinabubuti ang kalagayan ng kapwa tao. Mapalad at masaya ang isang tao kung itinuturing niya ang sarili bilang katuwang ng Diyos sa pagpapaunlad ng mundo. Ang sweldo ay pabuya na
lamang.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022