Ebanghelyo: Lucas 12:13-21
Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati ninyo?” At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.” At idinagdag ni Jesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang gagawin ko, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinutubo para sa Diyos.”
Pagninilay
Tunay nga na ang mensahe ni Jesus sa atin ay mag-ingat at iwasan ang kasakiman. Naaalala ko pa ang isang mayamang biyuda na namatay at di man lang nadalaw ng kanyang mga kamaganak, maliban sa mga taong binigyan niya ng katungkulan na mamahala ng kanyang mga ari-arian. Malayo ang loob niya sa mga tao at nabuhay na sobrang kuripot at madamot kahit na kaya naman niyang magbahagi ng kanyang kayamanan sa mga nangangailangan. Nakalulungkot dahil napunta lang siya sa isang tahanan para sa may mga edad, kung saan siya’y nabuhay na tila walang nagmamahal sa kanya hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020