Ebanghelyo: Lc 10: 1-9
Pagkatapos nito, humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asonggubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’
Pagninilay
Lahat ng gawain ay nagiging madali kapag may katulong o kasama. Ang isang pangkat ng manggagawa na hindi alam ang dahilan o layunin ng kanilang ginagawa ay hindi nakakatulong sa pagsusulong na maging matagumpay at matapos ang isang gawain. Sa pagmimisyon, nagiging madali ang gawain o trabaho kapag may kasama o katuwang at tiyak na mas marami pa ang magagawa. Batid ito ni San Pablo sa unang pagbasa kung saan kanyang kinilala ang malaking maitutulong ng iba sa kanyang paglilingkod. Gayun pa man, mas nagiging matagumpay ang mga gawain kung nakatutok sa mga layunin na hindi nakagagambala. Kaya ang payo ni Jesus sa kanila, huwag silang magdala ng anumang bagay na kanilang paghuhugutan ng seguridad o kasiguruhan – sapat na ang Diyos. Nararapat na tayo’y nakatuon sa layunin ng ating misyon upang mas madali ang pagsasakatuparan at pagsunod sa utos ng Diyos, sapagkat marami ang aanihing naghihintay sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2024