Ebanghelyo: Lucas 10:1-9
Pagkatapos nito, humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan.
Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat.
Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.
“Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal.
At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapapalit-palit ng bahay.
“Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’”
Pagninilay
I nilalarawan sa atin ng Ebanghelyo ang daloy ng pagsusugo ng Panginoon. Una, binanggit ni Jesus ang pangangailangan sa tagapagani. Nakikita ni Jesus hindi ang pangmateryal na aanihin tulad ng trigo kundi ng mga kaluluwa. Delikado ito at may panganib sa kanilang buhay. Pero hindi sila pababayaan ng Diyos. Diyos ang magbibigay ng kanilang tutuluyan at kakainin. Bilang kapalit mayroon silang dalang pasalubong na hindi kayang pantayan ng halaga at hindi rin mabibili: ang kapayapaan. Bukod pa rito, pagagalingin nila ang maysakit. Higit sa lahat may dala silang mabuting balita na malapit na nilang mararanasan ang kagandahang-loob ng Diyos.
May maniniwala kaya sa kanila? Hindi na nila trabaho yon. At hindi rin
ito binanggit ni Jesus. Bakit? Matapos na gawin nila ang iniutos, ang Diyos na ang kikilos sa puso ng mga taong kanilang pinangaralan. Kaya hindi dapat mangamba ang sinugo. Sapat nang kaniyang gawin ang utos ng Diyos. Diyos na ang magpapabunga.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022