Ebanghelyo: Lucas 10:1-9
Pagkatapos nito, humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga mang-gagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.
Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.
Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapapalit-palit ng bahay.
Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’
Pagninilay
Ang mga tinawag ni Jesus na sumunod sa kanya ay palaging ipinapadala sa misyon. Ipinadala ni Jesus ang 72 na mga alagad sa mga nayon at bayan. Ang atas ni Jesus sa kanila ay pagalingin ang maysakit at maipahayag ang mabuting balita na malapit nang maisakatuparan ang kaharian ng Diyos. Sa panahon natin ngayon kailangan niya ng tulong, sapagkat tayo rin ay mga pinili niya, at sinabi niya sa atin na ‘sige humayo na kayo’! Ating tandaan na ibat-iba ang ating mararanasan habang ginagampanan natin ang ating misyon at habang sinisikap nating ibahagi ang kanyang pagmamahal at kanyang halaga sa ating buhay. Marapat lamang na hilingin natin ang biyaya na maging handa at makibahaging maikalat ang kagalakan ng Ebanghelyo saanman tayo naroroon. Hilingin natin na maging isa tayo sa mga manggagawa na ipinadala ni Jesus sa masaganang ani.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021