Ebanghelyo: Mateo 22:15-21
Umurong ang mga Pariseo at nagpulong kung paano nila huhulihin si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya ipinadala nila ang kanilang mga alagad kasama ng mga kampi kay Herodes. Sinabi nila kay Jesus: “Guro, nalalaman namin na tapat kang tao at tunay na nagtuturo ng daan ng Diyos; hindi ka napadadala sa iba at nagsasalita hindi ayon sa kalagayan ng tao. Kaya ano ang palagay mo: ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar? Dapat ba tayong magbayad sa kanya o hindi?” Alam naman ni Jesus ang masama nilang pakay, at sinabi niya sa kanila: “Mga mapagkunwari! Bakit ninyo ako sinusubukan? Ipakita ninyo sa akin ang perang pambuwis.” Ipinakita nila ang isang denaryo, at sinabi sa kanila ni Jesus: “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” Sumagot sila: “Ang Cesar.” At sinabi niya sa kanila: “Kung gayon, ibigay sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Lubha silang namangha sa kanyang sagot, kaya iniwan nila siya at lumayo.
Pagninilay
Bagamat ang tunay na tahanan nati’y nasa langit, alalahanin natin na tayo’y mga mamamayan din ng mundo. Tungkulin nating igalang ang pamahalaan ng bansa kung saan tayo nakatira at sundin ang mga batas na ipinapatupad nito. Kabilang dito ang pagbabayad ng mga buwis upang itaguyod ang kaunlaran. Ngunit habang kinikilala natin ang ating mga obligasyong sibiko, dapat nating alalahanin na sa Diyos ang ating pangwakas na katapatan. Kung may katiwalian man, maliwanag na ang kalooban ng Diyos ang dapat nating sundin. Tungkulin nating paaalalahan at manindigan laban sa mga di-makatarungang mga batas na ipinatutupad ng estado kahit na magdulot pa ito ng panganib sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020