Ebanghelyo: Lucas 12:13-21
Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati ninyo?” At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.”
At idinagdag ni Jesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang gagawin ko, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’
“Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nagiimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinutubo para sa Diyos.”
Pagninilay
Nang mamatay ang isa kong kakilala, pinaghati-hatian ang naiwan niyang pag-aari. Siya ay binata kaya may mga pagaari na kinuha ng kanyang pamilya. Mayroon din naman na kinuha ng grupong kanyang kinabibilangan at may mga gamit na personal na walang interesado na kumuha noon. Isang tambak. Ang mga iyon ay sinunog na lamang.
Nalungkot ako. Inisip ko, “Ayaw kong pag namatay ay may isang tambak na basta na lamang susunugin.” Kaya mula noon pag may mga gamit ako na pwede pang gamitin ng iba pero hindi ko na ginagamit ay ibinibigay ko sa kanila. Mayroon din namang kahit pwede ko pang gamitin pero madalang na dahil marami rin namang katulad, ay ipinamimigay ko na rin.
May isang mayaman na bago siya namatay ay nag-iwan ng sapat para sa kanyang mahal sa buhay at ang malaking bahagi ay ibinigay niya sa isang foundation na sinusuportahan niya. Nagagalak siya na siya ang magdesisyon kung saan pupunta ang kanyang kayamanan at kung saan gagamitin kaysa iba ang magdesisyon matapos na siya ay pumanaw.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022