Ebanghelyo: Lucas 12:8-12
Sinasabi ko sa inyo: sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao’y hindi rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Diyos. Ang sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang lumait sa Espiritu Santo ay hindi mapapatawad. Dalhin man nila kayo sa harap ng mga sinagoga at mga namumuno at mga maykapangyarihan, huwag kayong mabalisa kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon ng dapat na sabihin.”
Pagninilay
Sa isang vía crucis sa Espanya, isang babae ang lumapit sa akin at nanginginig sa takot dahil papalapit na ang ika-anim na estayon at kailangan niyang magbasa. Inabot niya sa akin ang gabay at biglang nawala sa dami ng tao. Nilakasan ko ang aking loob at nagbasa na puno ng panalangin sa Espíritu Santo dahil hindi pa ako lubhang marunong ng espanyol. Lumipas ang panahon at may tumawag sa akin na Veronika. Agad kong natandaan ang babaeng lumapit sa akin. Nagpasalamat siya dahil sa inspirasyon na binigay ko sa kanya. Mula noon ay natuto na siyang magbasa’t maglingkod sa Simbahan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020