Ebanghelyo: Lucas 12:8-12
“Sinasabi ko sa inyo: sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao’y hindi rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Diyos.
“Ang sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang lumait sa Espiritu Santo ay hindi mapapatawad. Dalhin man nila kayo sa harap ng mga sinagoga at mga namumuno at mga maykapangyarihan, huwag kayong mabalisa kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon ng dapat na sabihin.”
Pagninilay
Bakit mapapatawad ang magsalita laban kay Jesus pero hindi mapapatawad ang lumait sa Espiritu Santo? Inialay ni Jesus ang Kanyang buhay para sa lahat kaya kahit magkasala ay kaya Niyang patawarin. Maging ang mga nagpapako sa Kanya sa krus na naging dahilan ng Kanyang kamatayan, bago Siya nalagutan ng hininga ay hiniling Niya sa Ama na patawarin.
Ayon naman sa mga manunulat, ang paglait sa Espiritu Santo ay ang pagtanggi na maniwala na ang Espiritu Santo ay kumikilos kay Jesus. Kung ganito ang katayuan ng isang tao hindi siya hihingi ng tawad o ng tulong kay Jesus pagkat para sa kanya hindi ito magagawa ni Jesus. Hindi pipilitin ni Jesus ang isang tao na gumawa nang labag sa kanyang kalooban sapagkat ginawa tayo ng Diyos na may sariling pagpapasiya. Hindi Niya sasalungatin ang kanyang sarili.
Ano ito sa atin ngayon? Malaki. Una ay ipaubaya natin ang ating puso sa Diyos. Hindi Niya ito pababayaan, manapa’y tuturuan na sumunod sa Kanyang kalooban at makararanas ng ligayang walang katulad dito sa lupa. Pangalawa, sa tulong ng liwanag at lakas ng Espiritu Santo isabuhay natin ang utos ng Diyos upang maging ganap ang ating pagtalima bilang mga anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022