Ebanghelyo: Lucas 12:1-7
Nang magkatipon ang libu-libong tao hanggang magkatapakan na sila, sinimulang sabihin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat muna kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na walang iba kundi ang pagkukunwari.
Walang tinatakpan na di mabubunyag, walang natatago na di malalaman. Kaya naman, ang sinabi ninyo sa dilim, sa liwanag maririnig; at ang ibinulong ninyo sa mga kuwarto, sa bubungan ipahahayag.
Sinasabi ko naman ito sa inyo na mga kaibigan ko: huwag ninyong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawa pa. Ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, ito ang katakutan ninyo. Di ba’t ipinagbibili nang dalawang pera ang limang maya? Subalit isa man sa kanila’y di nalilimutan ng Diyos. Bilang na pati ang lahat ng buhok sa inyong ulo. Huwag kayong matakot; mas mahalaga pa kayo kaysa maraming maya.
Pagninilay
Muling pinaalalahanan tayo ni Jesus tungkol sa pagkukunwari. Sinasabi sa atin ni Jesus na mag-ingat na huwag mamuhay sa pagpapanggap. Sa ating buhay pinahahalagahan natin kapag may nakikilala tayong tao na tapat at totoo. Sa harap ng Diyos alalahanin natin na wala tayong maitatago sa kanya. Walang makakalagpas sa ating Diyos. Ang ating araw-araw na pakikipag-ugnayan sa Diyos ay nasasalamin sa ating matiyagang paghahanap ng katotohan para sa ating sarili. Kadalasan hindi natin alam ang ating sariling pagkukunwari, kaya hilingin natin ang biyaya ng kaliwanagan, at isang dalisay na puso. Palagi natin na isaalangalang na bilang mga tagasunod ni Jesus hinabilin niya sa atin ang katiyakan ng tapat na pagmamahal, pangangalaga at suporta ng Diyos. Ang Diyos ay nagmamalasakit sa pinakamaliit at pinaka mahina sa kanyang mga nilalang. Gaano pa kaya roon sa lahat nang naniniwala at nagtitiwala sa kanya?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021