Ebanghelyo: Lucas 11:47-54
“Sawimpalad kayong nagtatayo ng mga puntod sa mga propetang pinatay ng inyong mga ama. Sa gayon ninyo inaamin at sinasang-ayunan ang mga ginawa ng inyong mga ama; iniligpit nila ang mga propeta, at makapagtatayo na kayo ngayon.”
(Sinabi rin ng Karunungan ng Diyos:) “Nagsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila. Kaya’t papapanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa dugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, papapanagutin ang salinlahing ito.
“Sawimpalad kayong mga guro ng Batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinadlangan pa ninyo ang mga makapapasok.”
Pagkatapos ay umalis si Jesus at sinimulan naman ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na mahigpit na makipagtalo sa Kanya. Pinapagsalita nila Siya tungkol sa maraming bagay at pilit na sinisilo sa anumang sinasabi Niya.
Pagninilay
Tuloy-tuloy ang pagsisiwalat ni Jesus sa mga katotohanan tungkol sa mga aksyon ng mga Pariseo at Eskriba. Maaring maihambing ito sa mga listahan ng kanilang masasamang gawa. Tiyak na masasaktan sila. Ngunit si Jesus ay matapang sa pagsasalita ng katotohanan, inaasahan na magbabago sila, umaasa na susunod sila sa kanya. Ngunit sa halip na tanggapin nila ang katotohanan at gumawa ng mga pagbabago, nasaktan sila at nagsimulang maghanap ng mga paraan upang si Jesus ay maparusahan. Nanatiling matigas ang kanilang mga puso. Maraming beses sa aking buhay na ako ay tinutuligsa dahil sa aking mga salita at gawa. Sa una, nasasaktan ako, hindi ako makatulog, nagagalit ako, ngunit sa aking pagmunimuni, pinakinggan ko sila, at dahan dahan kong tinanggap ang katotohanan, at nagpapasalamat din ako na iyon ay paalala sa akin ng Panginoon na maaari akong magbago at maging mas mabuting tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021