Ebanghelyo: Lucas 11:47-54
“Sawimpalad kayong nagtatayo ng mga puntod sa mga propetang pinatay ng inyong mga ama. Sa gayon ninyo inaamin at sinasang-ayunan ang mga ginawa ng inyong mga ama; iniligpit nila ang mga propeta, at makapagtatayo na kayo ngayon.
“(Sinabi rin ng Karunungan ng Diyos:) Nagsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol ngunit uusigin nila at papatayin ang ilan sa kanila. Kayat papapanagutin ang salinlahing ito sa dugo ng lahat ng propeta, sa dugong nabuhos mula pa sa pagkatatag ng mundo, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na nasawi sa pagitan ng altar at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, papapanagutin ang salinlahing ito.
“Sawimpalad kayong mga guro ng Batas na umagaw sa susi ng kaalaman. Hindi na kayo pumasok at hinadlangan pa ninyo ang mga makapapasok.”
Pagkatapos ay umalis si Jesus at sinimulan naman ng mga guro ng Batas at mga Pariseo na mahigpit na makipagtalo sa kanya. Pinapagsalita nila siya tungkol sa maraming bagay at pilit na sinisilo sa anumang sinasabi niya.
Pagninilay
Nakapagtataka at nakalulungkot kung bakit kailangang magtalo si Jesus at ang mga guro ng Batas. Hindi ba ang batas ay galing kay Moises na sugo ng Diyos? Si Jesus naman ay ang Diyos na nagkatawang tao. Ay bakit sila nagkakasalungat? Hindi lamang iyon, pinagbabalakan pa nila ng masama si Jesus.
Saan hindi nagkakapanagpo? Ang mga guro ng Batas ay nagpapaliwanag nito ayon sa makataong pagkaunawa at motibo. Ang paliwanag naman ni Jesus ay galing sa Diyos. Kaya hindi kataka-taka na hindi sila nagtatagpo. Hindi lamang yan. Pati ang mga tao ay pinipigilang pumasok sa kaharian ng Diyos dahil sa maling turo. Bakit kaya ganoon? Una, hindi alam ng mga guro na si Jesus ay ang Diyos na nagkatawangtao. Kaya sino siya para makialam sa kanilang gawain? Pangalawa si Jesus ay ka-kumpetensya sa pagsunod ng tao. Ang mga guro ay mali na at makasarili pa. Kaya hindi talaga madali ang maging guro. Pero hindi naman ito ang katapusan ng lahat. Kaillangan lamang na maging mapagpakumbaba, iwaksi ang makasariling motibo at matutong makinig sa Salita ng Diyos ayon sa liwanag ng Espiritu Santo. Kailangang magdasal!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022