Ebanghelyo: Lucas 11:29-32
Nang dumadagsa na ang mga tao, nagsimulang magsalita si Jesus: “Masamang lahi ang lahing ito; humihingi ito ng palatandaan pero walang ibang palatandaang ibibigay rito kundi ang palatandaan ni Jonas. At kung paanong naging palatandaan si Jonas para sa mga taga-Ninive, gayundin naman ang Anak ng Tao para sa mga tao sa kasalukuyan. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog kasama ng mga lalaki ng lahing ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon at dito’y may mas dakila pa kay Solomon. Sa paghuhukom, babangon ang mga lalaking taga-Ninive kasama ng salinlahing ito at hahatulan nila ito dahil nagbalik-loob sila sa pangangaral ni Jonas; at dito’y may mas dakila pa kay Jonas.
Pagninilay
Marahil ay normal lang sa atin na humingi ng mga palatandaan sa Diyos. Ito’y upang malaman kung ano ang kalooban niya at paminsan-minsan ay tunay ngang nabibiyayaan tayo ng mga palatandaan na nagsisilbing gabay sa paggawa natin ng isang mahalagang desisyon. Ngunit hindi ito pangkaraniwang nangyayari, pinagkalooban tayo ng Panginoon ng talino’t kakayahan upang malaya nating tahakin ang landas ng buhay at gamitin ang mga ito upang maitaguyod natin ang kanyang kaharian. Masusulyapan natin ang kanyang kaharian sa bulong ng ating puso na umaalab sa pag-ibig, kasabay ng hangin ng Espíritu Santo kahit na di man natin nakikita.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020