Ebanghelyo: Lc 11: 15-26*
Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.“ Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa langit. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? (…)Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? (…) Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat. (…)
Pagninilay
Nais ng ilan na siraan si Jesus sa kanyang gawain. Lumalawak na ang bilang ng mga taong sumasampalataya at naniniwala sa Kanya. Sa unang pagbasa “bibigyang kabanalan ng Diyos ang nanampalataya sa kanya” sa pamamagitan ni Jesus. Ito ay ipinamalas ni Jesus sa pamamagitan ng pagpapagaling sa mga maysakit at pagpapalaya sa mga sinasaniban ng masamang espiritu. Kaya naman, may mga taong nais ipakita na hindi nagmumula sa Totoong Diyos ang kapangyarihan Niya upang mapawalangbisa ang Kanyang mga turo at gawa. Ang kanilang mga pansariling kapakanan lamang ang kanilang isinasaalang-alang at hindi ang pangangailangan ng kanilang kapwa, lalo na nang mga nasa laylayan ng lipunan sa panahong iyon. Nawa, ang pagtulong natin sa kapwa ay mag-ugat mula sa paghahangad nating isaalang-alang ang kapakanan ng iba at hindi ng ating mga sarili.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024