Ebanghelyo: Lucas 11:37-41
Matapos magsalita si Jesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa bahay nito. Pumasok siya at dumulog sa hapag. At nagtaka ang Pariseo nang makitang hindi muna siya naghugas ng kamay bago kumain. Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon: “Kayong mga Pariseo, ugali ninyong linisin ang labas ng mga baso’t pinggan pero naguumapaw naman sa kasakiman at kasamaan ang inyong loob! Mga hangal! Di ba’t ang maygawa ng labas ang siya ring maygawa ng loob? Pero naglilimos lamang kayo at sa akala ninyo’y malinis na ang lahat.
Pagninilay
Ano nga ba ang tunay na kalinisan? Walang dumi? Ang dumi para sa isa ay maganda para sa iba. Walang halo? Pero mas gusto natin ang tubig na may halo kaysa purong tubig lamang. Walang kulay, walang amoy, walang lasa? Ano para kay Jesus ang kalinisan? Tingnan natin kung paano Niya inilalarawan ang kalinisan. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng pagkukumpara. Ginamit Niya ang kabaliktaran ng kalinisan: ang kasakiman at kasamaan ng loob. Pinagsabihan ni Jesus ang mga Pariseo dahil ang interes nila ay pakitang-tao. Ano ang hinahanap ni Jesus? Ang pakitang-Diyos, sapagkat ang Diyos ang nakakaalam ng lahat at walang maitatago sa Kanya. Nais Niya na sa ating loob ay naroon ang paggawa para sa kagalingan ng kapwa, pagtulong sa mga nahihirapan sa gawain, pag-uunawa sa kahinaan ng iba, pagpapatawad ng kamalian ng kapwa, sa madali’t sabi: pagmamahal. Nais Niya na ito ay makita sa panlabas na pagkilos. Yan ang kalinisan para kay Jesus. Ito ang ikinalulugod ng Diyos. Mapapalad ang mga may malinis na puso, magpapakita sa kanila ang Diyos!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022