Ebanghelyo: Mateo 22:1-14
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga talinhaga: “Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya sa mga katulong ang mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong para sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: ‘Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan.’ Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. Sinunggaban naman ng iba pa ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay. Lubhang nagalit ang hari kayat ipinadala niya ang kanyang hukbo para puksain ang mga mamamataytao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya sa kanyang mga katulong: ‘Handa na ang kasalan ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Pumunta kayo ngayon sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita ninyo.’ Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, at napuno ang kasalan ng mga nasa hapag. Pagkatapos ay dumating ang hari para tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamitpampiyesta. Kaya sinabi niya sa kanya: ‘Kaibigan, paano ka nakapasok nang walang damit pangkasal?’ Ngunit hindi umimik ang tao. Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: ‘Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.’ Marami ngang talaga ang tinawag pero kaunti ang pinili.”
Pagninilay
Ano nga ba ang ibig sabihin ng damit pampiyesta sa talinhagang ito na labis na ikinagalit ng harí sa di pagsusuot nito ng isang taong naimbitahan? Higit sa panlabas na anyo, ito’y nagpapaalala sa atin na magkaroon ng pag-ibig na nagmumula sa dalisay na puso, mabuting budhi, at taos na pusong pananampalataya sa Diyos. Ito’y ang siyang magpapahintulot sa ating makapasok sa kaharian na nakalaan para sa ating lahat bilang mga nilikha ng Diyos. Tingnan natin ang ating sarili at suriin nang mabuti kung nakasuot nga ba tayo ng damit pampiyesta’t handa na sa malaking handaan ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020