Ebanghelyo: Lucas 11:27-28
Habang nagsasalita pa siya, isang babae mula sa dami ng tao ang malakas na nagsabi sa Kanya: “Mapalad ang nagdala sa iyo sa Kanyang sinapupunan at nagpasuso sa iyo.” Ngunit sumagot si Jesus: “Kaya talagang mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito.”
Pagninilay
Kapag ang isang bata ay mabait, nagtagumpay at binigyan ng magandang reputasyon ang kanyang pamilya, sinasabi agad ng mga tao na “kaninong anak kaya siya? Ang swerte ng kanyang mga magulang.” Ito mismo ang nakita ng babae kay Jesus. Mapalad ang kanyang ina. Hindi siya sinagot ni Jesus, “oo nga, butihing ina rin kasi si Maria.” Sa halip, pinagtuunan niya nang pansin ang kahalagahan ng pakikinig sa mabuting balita ng Diyos. Ang sinumang nakikinig sa salita ng Diyos at sumusunod dito, ay inihahalintulad kay Maria na nagwika, “ako ay alipin ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi” (Lucas 1:38). Nais din ni Jesus na lumaki ang kanyang pamilya at maging katulad ng kanyang ina. Ang kailangan lang nating gawin ay makinig at sumunod sa Mabuting Balita ng Diyos. Sa ganitong paraan, magiging tulad tayo ni Maria at tatawaging din tayong mapapalad.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021