Ebanghelyo: Lucas 11:15-26
Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas Niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa Kanya ng isang tanda galing sa langit.
Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi Niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahatihati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang Kanyang kaharian? Di nga ba’t sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo.
Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang Kanyang palasyo, hindi magagambala ang Kanyang mga pag-aari. Pero kung salakayin Siya ng mas makapangyarihan sa Kanya at talunin siya, maaagaw nito ang Kanyang mga armas na Kanyang inasahan at ipamamahagi ang Kanyang mga ari-arian.
“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat.
“Kapag lumabas sa tao ang maruming espiritu, nagpapalabuy- laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Pero wala siyang natatagpuan at sinasabi Niya: ‘Babalik ako sa inalisan kong tirahan.’ Pagdating Niya, matatagpuan Niya ito na nawalisan na at maayos pa. Kaya naghahanap Siya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa Kanya; pumapasok ang mga ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taong iyon kaysa dati.”
Pagninilay
Noong bagong pari pa lamang ako, sa tuwing matatapos na ang misa, maraming tao ang lumalapit sa akin upang purihin ako sa aking homiliya. Mula noon nakatatak na sa aking isipan na mahalagang bagay ito na dapat kung paghandaan palagi. Masasabi kong ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya upang mapaglingkuran nang mabuti ang mga tao. Ngunit sinasabi rin nito na “hindi mo magagawa mapasaya ang lahat ng tao.” Sa panahon na binibigkas mo ang katotohanan at may mga taong masasaktan, makakalimutan nila ang lahat ng iyong mabuting nagawa. Nakatuon lang sila sa isang bagay na sinabi mo na nakasakit sa kanila. Si Jesus ay pinagbintangan na di-umano pinalayas niya ang demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelsebul na prinsipe ng mga demonyo. Masakit ito para kay Jesus na ginawa ang lahat upang masunod niya ang kalooban ng kanyang Ama. Mas masahol pa ito dahil ang nagawa niya ay itinuturing na masama at ang kapangyarihan ng Diyos na ginagamit niya ay kinikilala sa galing ito sa diyablo. Sa tuwing nakakaranas tayo na kaparehong karanasan, huwag tayong mag-atubiling lumapit kay Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021