Ebanghelyo: Lucas 17:1-6
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa tao ngunit sawimpalad ang taong naghahatid nito! Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang-bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito.
Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo siya, at kung magsisi’y patawarin mo. At kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mo siya.”
Sinabi ng mga apostol sa Panginoon: “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon: “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong malaigos na iyan: ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim,’ at susundin kayo nito.
Pagninilay
Ang pananampalataya ay katulad ng paglalayag patungo sa malayong lupain. Hanggat nakikita ang dalampasigan, hindi malayo ang mararating. Kailangang pumalaot nang malayo hangga’t pati ang isla na pinanggalingan ay hindi na nakikita. Paglayo sa pinanggalingan, paglapit sa pupuntahan. Ganun din sa pananampalataya, habang binibibitiwan ang pagtitiwala sa sarili, lalo namang humihigpit ang pagkapit sa Diyos.
Sinabi ni Santa Teresa ng Calcutta: Magbigay ka hanggang maramdaman po ang pait ng pagkawala sa iyo ng bagay na ibinigay mo. Habang nararamdaman mo ang pait, magbigay ka pa nang magbigay hanggang ang pait ay nagiging tuwa. Hayan! Hindi yan magagawa ng isang taong sigurista at ayaw makaramdam ng pait o sakit ng pagbibigay ng sariling kanya. Kaya lang hindi rin niya mararamdaman ang pagbabago ng damdamin mula sa pait at panghihinayang na napapalitan ng pagmamahal at kagalakan bunga ng pananampalataya at pagtalima sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022