Ebanghelyo: Lucas 11:15-26
Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa langit.
Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahatihati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Di nga ba’t sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ariarian.
Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat.
Kapag lumabas sa tao ang maruming espiritu, nagpapalabuy- laboy ito sa mga lugar na walang tubig sa paghahanap ng pahingahan. Pero wala siyang natatagpuan at sinasabi niya: ‘Babalik ako sa inalisan kong tirahan.’ Pagdating niya, natatagpuan niya ito na nawalisan na at maayos pa. Kaya naghahanap siya at nagsasama ng pito pang espiritung mas masama pa kaysa kanya; puma-pasok ang mga ito at doon tumitira. Kaya mas masama ang huling kalagayan ng taong iyon kaysa dati.”
Pagninilay
Dalawa lamang pwersa ang kumikilos sa mundo: ang pwersa ng Diyos at ang pwersa ng demonyo. Ang dalawang ito ay may kanya-kanyang mga tagasunod. Kung sinasabi ng isang tao na sarili lamang ang kanyang sinusunod, tiyak, kampon na siya ng demonyo, hindi lamang niya tinatanggap. Alam ng demonyo na hindi matatanggihan ng tao ang sariling gusto. Doon siya sinisilo. Kaya sinabi ni Jesus na ang sinumang nais sumunod sa kanya ay dapat itakwil ang sarili. Dagdag pa niya: “Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat.” Ayaw Niya ng balimbing. Ayaw Niya rin ng malabnaw. Dapat totoo, lapat at matatag na panig sa kanya.
Kung nagbagong-buhay na, dapat na ito ay pangatawanan at panatilihin sapagkat laging nariyan ang demonyo upang siya ay muling ibulid sa masama. Kaya hindi pwedeng magyabang at sabihin na “kaya ko ito!” Yan ang hinihintay ng demonyo sapagkat nagsisimula na namang umasa ang tao sa sarili, pero talagang hindi kaya. Ang pagnanais na magbago, ang pagsasabuhay ng pagbabago at ang pananatili na nagbabago, lahat ito ay grasya ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022