Ebanghelyo: Lc 10: 13-16
Sawimpalad ka, Corazin! Sawimpalad ka, Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagdamit-sako at naupo sa abo at nakapagbalik-loob. Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa inyo sa araw ng paghatol. At ikaw naman, Capernaum, dadakilain ka kaya hanggang langit? Hindi! Ibubulid ka sa impiyerno! Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang di-tumatanggap sa inyo ay di-tumatanggap sa akin. At ang ditumatanggap sa akin ay di tumanggap sa nagsugo sa akin.”
Pagninilay
Maituturing na ang pinakamahirap na paglalakbay ay ang paglalakbay sa ating kalooban. Sa kabila ng katotohanang nasa atin na ang kaligtasan sapagkat ang Diyos na Tagapagligtas ay nasa ating kalooban, marami pa rin ang tumatanggi rito. Nilikha tayo ng Diyos na Kanyang kawangis at ipinunla sa puso natin ang Kanyang kabutihan: Itatanim Niya ang Kanyang utos sa ating mga isipan at isusulat ito sa ating puso (Heb 8:10). Kaya ang utos nang pagbabalik-loob ay isang utos upang hanapin muli sa kalooban natin ang kabutihan. Tayo ay nawawala sa kalooban ng Diyos kapag pinipili nating lumayo sa ating mga sarili. Ang ating mga pagkakasala ay bunga ng pagtanggi natin na manatili at laging piliin ang kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024