Ebanghelyo: Lc 10: 1-12
Pagkatapos nito, humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapapalit-palit ng bahay. Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’ Saanmang bayan kayo pumasok at di nila kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga liwasan nito at inyong sabihin: ‘Pati na alikabok mula sa inyong bayan na kumapit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin sa inyo. Gayunman, alamin ninyong palapit na ang kaharian ng Diyos.’ Sinasabi ko sa inyo na magaan pa ang sasapitin ng mga taga-Sodom kaysa bayang iyon sa dakilang Araw.
Pagninilay
Ang bawat numero sa Bibliya ay napakahalaga, dahil may dala itong nakatagong mensahe. Ang numerong 72 ay produkto ng 6×12. Ang bilang na 6 ay nangangahulugan ng kahinaan at pangangailagan ng tao. Ito ang araw na ang tao ay nilikha. Kaya naman, maaari nating sabihin na ang mga alagad ni Jesus ay pinadala sa pangangailangan ng mga iba’t-ibang bayan ng Israel na siya namang sumisimbolo ng numerong 12. Tayong lahat ay inaanyayahang tumugon sa paanyaya ni Jesus na maglingkod para sa pangangailangan ng tao at ng bayan. Ayon kay Jesus, marami ang aanihin ngunit kakaunti naman ang mga mangagawa. Bahagi ng buhay ng mga sumusunod kay Jesus ang pagsisilbi sa kapwa. Gayun din naman, binabalaan tayo ni Jesus na may kasamang mga pagsubok, panganib at pagtatatwa mula sa kapwa ang gawain na ito, ngunit pagpagpapala naman ng Diyos ang siyang gantimpala ng tutugon sa Kanya – sa kanila ang Kaharian ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024