Ebanghelyo: Lucas 10:25-37
May tumindig na isang guro ng Batas para subukin si Jesus. Sinabi niya: “Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiintindihan?” Sumagot ang guro ng Batas: “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.”
Noo’y sinabi ni Jesus sa kanya: “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Pero gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya ni Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan.
Pero may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kayat lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa sarili niyang hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbalik ko’.”
At sinabi ni Jesus: “Sa palagay mo, sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” Sagot ng guro: “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”
Pagninilay
Sinabi ni Jesus sa guro ng Batas:“Humayo ka’t ganoon din ang gawin.” Ginawa kaya ng guro ang halimbawa ng Samaritano? Hindi natin alam. Pero ang aral ng talinhaga ay para sa lahat ng tao at para sa lahat ng panahon. Sa atin ngayon ipinaririnig ni Jesus ang talinhaga. Ang bawat isa ay may kakilala, kamag-anak o kaibigan na maitutulad sa taong tinambangan ng mga tulisan. Tayo ngayon ay maihahalintulad sa isa sa mga dumaan: pari, levita at Samaritano. Ang pari at levita ay lumihis ng daan. Ang Samaritano ay lumapit, inasikaso at ginastusan ang paggaling ng tao. Alin ka sa tatlo? Pag may nagsabi na wala akong kilala na ganyan ang kalagayan, siya ay lumilihis na dahil nagbubulag-bulagan. Bawat isa ay may alam na maaari niyang tulungan kahit sa anumang paraan. Maraming paraan ng paglihis ng daan: wala akong alam; may alam ako pero hindi ko naman kakilala o kaibigan o kamag-anak; ayaw kong makialam; wala akong pera; wala akong panahon; hindi ko alam ang gagawin at marami pang iba. Pero pwede rin na maging katulad ng mabuting Samaritano. Ang pangungusap ni Jesus noon ay para rin sa atin ngayon at ito ay ipinatutungkol sa iyo: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2022